MANILA, Philippines – Pag-aaralan pa raw ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) kung dapat kasuhan ang aktres na si Melissa Mendez na pinababa ng eroplano matapos umanong manakit ng kapwa pasahero.
Magugunita na Biyernes ng umaga, nasa kalagitnaan na ng flight papuntang Pagadian nang bumalik ang Cebu Pacific flight 5J 711 sa NAIA Terminal 3 para ibaba si Mendez dahil sa pananakit sa pasaherong si Rey Pamaran na inagawan ng upuan ng aktres.
Hinihintay na lamang ng CAAP ang incident report ng Cebu Pacific bago umaksyon laban sa aktres.
Posible ring ipatawag ng CAAP si Mendez upang makuha ang panig nito.
“Kung ano man ang nangyari sa ere ay dapat ipaliwanag nila sa awtoridad para patawan ng parusa ang may sala dahil hindi birong pasahero ang sakay ng eroplano ng umalis ito sa NAIA T3 papuntang Pagadian kaya lahat sila ay naabala,” sabi ng ilang airport observers.
Sabi pa ng ilang airport observers, kung yong mag-”bomb joke” ang pasahero ay pinakakasuhan ng airline crew yon pang manakit ka at manggulo sa eroplano habang lumilipad ito.
‘Sana hindi maging bias dito ang CAAP dapat pagka-tanggap ng accident report mula sa CebPac kasuhan na nila si Mendez para huwag na itong pamarisan ng ibang pasahero,” ayon pa sa isang pasahero.
Makikita sa Instagram video na in-upload ng kaibigan ni Pamaran na si Andrew Wolff na pinagsabihan si Mendez ng kapitan na dapat na itong bumaba ng eroplano dahil maging ang flight stewardess ay nasaktan na ng aktres.
Maaaring dalawang kaso ang harapin ni Mendez, isang posibleng mula sa CAAP at isa pa sakaling magsampa ng kaso laban sa kanya si Pamaran.