MANILA, Philippines – Binatikos ng United Nationalist Alliance (UNA) ang pagsusulong ng makaadministrasyong Liberal Party na maitalaga bilang tagapangulo ng Commission on Elections ang isa pang kaalyado ni Interior Secretary Mar Roxas.
Tinukoy ni UNA Interim President Toby Tiangco ang abogadong si Rowena Ganzon na naunang itinalaga sa Commission on Audit pero tinanggihan ng Commission on Appointment.
Sinabi ni Tiangco na si Ganzon ay bahagi umano ng sabwatan na maibagsak si Vice President Jejomar Binay gamit ang mga binuhay na lumang isyung ipinukol dito noong alkalde pa ito ng Makati City.
“May malalim na dahilan kung bakit si Guanzon ang gustong ilagay sa Comelec. Ang malinaw na agenda ay ilaglag ang Bise Presidente sa 2016. Malinaw pa sa sikat ng araw na kasama sa inner circle ng LP si Guanzon,” diin ni Tiangco.
Noong isa pa siyang komisyuner ng COA, aktibong ipinursige ni Guanzon ang lahat ng mga proyektong may kaugnayan sa Makati noong alkalde pa rito si Binay.
Ayon kay Tiangco, pinagalitan pa umano ni Guanzon ang mga auditor sa pagkabigo ng mga ito na makakita ng anumang iregularidad sa Makati at nais pa nitong makapaglabas ng isa pang report na babaligtad sa resulta ng naunang imbestigasyon ng COA.
“Bahagi talaga ng sirkulo ni Mar Roxas si Guanzon. Si Mar ang nag-endorse sa kanya sa COA at sa Supreme Court, kaso nabuking ng JBC at Commission on Appointments ang agenda ni Guanzon. Nakikita muli natin ang mga kamay ni Roxas na gumagalaw sa Comelec,” pagbubunyag pa ni Tiangco.
Idinagdag ni Tiangco na, para sa LP, isang malaking banta si Binay kay Roxas sa 2016 kaya nais ng makaadministrasyong partido na ilagay ang mga tao nito sa mga mahahalagang constitutional office tulad ng COA at Comelec.
Si Guanzon ay dating alkalde sa Cadiz City, Negros Occidental at close associate ng mga abogado ni Roxas na sina Simeon Marcelo at Avelino Cruz. Grumadweyt din si Ganzon sa UP College of Law at miyembro ng Delta Lambda Sigma na isang sister sorority ng Sigma Rho fraternity na kinabibilangan nina Cruz at Marcelo.
Hinamon ni Tiangco si Roxas na linawin ang papel nito sa pagtatalaga kay Guanzon sa Comelec.