MANILA, Philippines – Sinopla ng militant transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) si DOTC Sec. Jun Abaya nang sabihin ng huli na wala ng backlog ang LTO sa mga plaka ng sasakyan.
Sinabi ni Piston President Goerge San Mateo, niloloko lamang umano ni Abaya ang publiko gayung kitang-kita naman sa mga sasakyang tumatakbo sa mga kalsada na wala pa ring plaka.
“Kinokondena namin ang ginagawang panloloko ng DOTC sa mga motorista. Pinagbabayad na agad ng P450.00 pero pinaghihintay ng 45 days bago makuha ang plaka. Dapat pag nagbayad ka for new plates andiyan na ang binayaran mo. Mukhang di nila tinutupad ang pangako nila,” pahayag ni San Mateo.
Sinabi pa nito na dapat sana ay maglibot muna sa mga kalsada si Abaya bago sabihin na walang backlog sa car plates dahil kung mismong siya ang iikot sa mga kalsada, mapapahiya lamang siya sa mga sinasabi niya.
Kinuwestyon din ni San Mateo si Abaya kung bakit pinayagan ang LTO na kumuha ng private company na gagawa ng car plates at hindi na lamang inayos ang sariling plate making plant ng ahensiya para hindi na madagdagan pa ang gastusin ng mga motorista.
Anya, libre noon ang iniisyung plaka ng LTO sa mga car owners dahil sa operasyon ng sariling plate making plant ng LTO.