Cloud-seeding ng NIA pangontra sa El Niño
MANILA, Philippines - Posibleng magsagawa ng cloud seeding ang National Irrigation Administration (NIA) sa kalagitnaan ng taon para makalikha ng artipisyal na ulan at kontrahin ang epekto ng nakaambang El Niño.
Ayon kay NIA Administrator Florencio Padernal, sa katapusan pa ng Mayo matitiyak kung kakailanganin ang nasabing hakbang, dahil dito pa lang ganap na mararamdaman ang epekto ng El Niño.
Kabilang din anya sa mga titimbanging hakbang ang pagbabawas ng patubig sa mga palayan.
Pero sa ngayon, nilinaw ni Padernal na hindi pa apektado ang mga irigasyon sa harap ng pag-iral ng mahinang El Niño.
Setyembre 2014 pa lamang kasi ay nasimulan na ng NIA na kontrolin ang suplay ng tubig sa mga irigasyon kaya walang dam ang nasa critical level sa ngayon. Maaga ring nagtanim ang mga magsasaka kaya ang ilan ay nakapag-ani na.
Nagtalaga rin ang NIA ng mga point person na mahigpit na magbabantay sa mga lalawigang ma aaring pinakamatinding tamaan ng El Niño upang mabilis na makatugon ang ahensya.
Tiniyak din ng NIA na hindi ito hihingi ng karagdagang pondo para tugunan ang pagtaas ng temperatura sa bansa.
- Latest