MANILA, Philippines - “Anti-poor” umano ang plano ng gobyerno na isapribado ang Philippine Orthopedic Center (POC).
“Lagi pong sinasabi ng Administrasyon na tayo ang boss nila, e bakit patuloy na pinapabayaan ang mga basic social services tulad ng health care at ibinibigay sa mga pribadong institusyon?” sabi ni Navotas Rep. at United Nationalist Alliance (UNA) interim president Toby Tiangco.
Ang Orthopedic Center ang tanging ospital ng gobyerno na may kakayahan sa mga orthopedic cases ngunit kapag ito ay naisapribado ang mga mahihirap na pasyente dito ay magbabayad umano ng malaki.
Ayon sa ulat, ang POC ay sasailalim sa Public-Private Partnership (PPP) project. Ang Megawide-World Citi Consortium ang naka-kontrata rito na may P5.6-billion para sa modernisasyon ng mga pasilidad ng ospital. Sa kontrata, ang consortium ang magde-design, build, finance at patatakbuhin ito sa loob ng 25 years.
“If the Makati city government can fund a city hospital so that it can cater to indigent patients, why is the national government not using the billions under its disposal to similarly do the same for hospitals all over the country? More so if these are specialized hospitals like the Orthopedic Center. Ehemplo lamang po ito na pinapabayaan ang mga mahihirap ng kasalukuyang administrasyon,” sabi ni Tiangco.
Ayon sa Megawide’s plan, ang magiging modernong POC ay maglalaan lamang ng 70 beds para sa mga mahihirap na pasyente. Sa ngayon ay may kabuuan 700 beds ang ospital.
“Sobrang baba nito sa kasalukuyang 562 beds o 85% na nakalaan para sa mga mahihirap na mga pasyente. Dahil magiging pribado na ang ospital, may posibilidad na hindi ma-retain ang staff nito dahil walang assurance na ia-absorb sila ng POC,” sabi pa ni Tiangco.
Napag-alaman may iba’t ibang grupo ang nagsampa ng petition sa Supreme Court noong 2013 para ipahinto ang pagsasapribado ng naturang ospital.