MANILA, Philippines - Patuloy na nagbabanta sa Metro Manila at iba pang lugar sa Luzon ang papalapit na bagyong may international name na Bavi.
Sinabi ni Aldczar Aurelio, weather forecaster ng Pagasa, habang lumalapit ang bagyo sa ating bansa ay tumataas naman ang tsansang direkta itong tumama sa kalupaan sa Luzon area partikular sa Bicol, Quezon province, Aurora, Central Luzon at National Capital Region (NCR).
Kahapon ng umaga, si Bavi ay namataan sa layong 3,500 kilometro silangan ng hilagang Mindanao taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 85 kilometro bawat oras hanggang 100 km bawat oras.
Ito ay kumikilos pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 30 km bawat oras.
Ang bagyo ay may dalang malakas na hangin at ulan kaya pinayuhan din ang mga mangingisda na huwag papalaot oras na tumama na ito sa nabanggit na mga lugar. (Angie dela Cruz)