MANILA, Philippines - Muling nanawagan si Senator Cythia A. Villar na pangalagaan ang Las Piñas-Parañaque Critical Habitat and Ecotourism Area (LPPCHEA) nang pangunahan niya kahapon ang paglilinis sa naturang lugar bilang pag-obserba sa ikalawang taon ng pagkakasama nito sa Ramsar List of Wetlands of International Importance noong March 15.
Binigyan diin niya na kaakibat ng deklarasyon ng Ramsar ang mga responsibilidad na protektahan ang LPPCHEA sa anumang pagbabantang makakasira rito.
“That is our commitment not only to ourselves and our families but also to the various species that thrive in it like the birds, trees, mangroves and plants as well as the people who rely on it for their livelihood,” pahayag ni Villar sa daan-daang boluntaryo na kinabibilangan ng mga mag-aaral, kawani ng pamahalaan at pribadong sektor na sumama sa paglilinis sa LPPCHEA sa baybayin ng Manila Bay.
Ayon sa senador, isang magandang balita nang ipahayag na ang LPPCHEA ay kasama sa Ramsar List dalawang taon na ang nakararaan.
Aniya, isang malaking karangalan na makahanay ang LPPCHEA sa mga tanyag na natural attractions ng bansa gaya ng Puerto Princesa Subterranean River National Park sa Palawan, Tubbataha Reefs National Marine Park sa Sulu, Agusan Marsh Wildlife Sanctuary, Naujan Lake National Park sa Oriental Mindoro at Olango Island Wildlife Sanctuary sa Cebu.
Aniya, patuloy niyang nilalabanan ang reklamasyon dahil sa isa ito sa mga banta sa LPPCHEA.
Binanggit ng Ramsar na kabilang din sa mga banta sa LPPCHEA ang pagpuputol ng mangroves sa paligid ng nasabing lugar at ang mga basura mula sa kalapit na siyudad na naiipon sa baybayin nito.
Ang Ramsar List ay bunga ng Convention on Wetlands. Nagsimula ito sa Ramsar, Iran noong 1971, kung saan ang Pilipinas ay isa sa mga signatory. (Rudy Andal)