BBL hihimayin ng todo - Marcos

MANILA, Philippines - Nanindigan si Sen. Ferdinand Marcos  Jr., na hindi nila ipapasa ang isang “rubber stamp” na Bangsamoro Basic Law  (BBL) at titiyakin nila na naayon ito sa ating saligang-batas.

Ayon kay Sen. Marcos, hindi pwede na kung ano ang ibibigay sa amin ay iyon na rin ang a­ming ipapasa, sa halip ay hihimayin nila ito ng todo para matiyak na hindi ito sasablay.

“Hindi naman maaari na basta’t i-rubber stamp na lang yung BBL na kung ano ang ibinigay sa amin, ‘yun ang ipapasa namin. Dahil marami na kaming nakita doon sa draft ng BBL na kailangang ayusin na unconstitutional, illegal at unenforceable,“ wika ni Marcos.

Sinabi pa nito na trabaho ng Senado na ayu­sin ang mga panukalang batas at kung kailangan na palitan, baguhin o dagdagan gagawin daw nila ito.

Sinuspinde ni Marcos ang public hearing dahil na rin sa Mamasapano isyu at ipagpapatuloy nila ito kapag nakakuha nang ulat mula sa Board of Inquiry (BOI) at mula sa MILF.

Nauna ng sinabi ng liderato ng dalawang kapulungan na ipapasa nila ang BBL sa Hunyo.

Pero ayon kay Marcos, hindi nila ito mamadaliin lalo pa’t ang BBL ay isang unang hakbang lamang para sa kapayapaan. (Rudy Andal)

 

Show comments