Purisima pumalag sa paninisi ni Roxas

MANILA, Philippines - Pinalagan kahapon ng nagbitiw na si PNP Chief P/Director General Alan Purisima ang direktang pagtukoy sa kaniya ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na siya ang dapat sisihin sa pagkasawi ng 44 Special Action Force (SAF) commandos sa madugong bakbakan noong Enero 25.

Sa pamamagitan ng kaniyang legal counsel na si Atty. Kristoffer James Purisima, binalaan nito si Roxas sa umano’y agarang paghusga sa kaso.

“It appears that the Secretary is prejudging the case and playing to certain sectors of the public. I would caution against entertaining conclusion at this state,” ani Atty. Purisima.

Sinabi ni Atty. Purisima, pinsan ng nagbitiw na PNP Chief, na ang mandato ng PNP-Board of Inquiry ay ‘fact finding’ at hindi ang magturo ng may kasalanan o pananagutan sa mga pangyayari ng isang iniimbestigahang kaso.

“There is a separate process for that. We shall respond to all allegation at the proper time and proper forum,” punto pa ni Atty. Purisima.

Binigyang diin pa ng abogado na walang tinatakasan ang kaniyang kli­yente at hinaharap naman nito ang kaso patunay nito ay ang pagdalo nito sa pagdinig ng Senado at pagbibigay ng kaniyang affidavit sa PNP- BOI.

Sa resulta ng BOI report, sinabi ni Roxas na lumitaw dito na si Purisima at ang nasibak na si SAF Director Getulio Napeñas ang may kasalanan sa pagkasawi ng 44 SAF commandos na isinabak ng mga ito sa isinekretong Oplan Exodus.(Joy Cantos)

 

Show comments