MANILA, Philippines – Naiintindihan ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ang pinagdadaanan ni Makati City Mayor Junjun Binay matapos siyang suspendihin ng Office of the Ombudsman, ngunit sinabi ng kalihim na walang magagawa ang alkalde kung hindi ay sundin ito.
"Mahirap talaga ang sinapit ni Mayor Binay sa hagupit ng batas laban sa kanya – pero uulitin ko ang batas ay batas, at lahat tayo ay sakop ng batas. Kaya maipapayo ko na lang kay Mayor Binay ay bigyang panahon niya ang paghanda ng kanyang depensa," pahayag ni Roxas sa pagtanggi ni Binay na sundin ang ipinataw sa kanyang preventive suspension na magbibigay daan sa imbestigasyon sa umano'y overpriced na Makati City Hall II.
Sinabi ni Roxas na natanggap na ng kanyang opisina ang kautusan ng Ombudsman na ipatutupad kay Binay at iba pang opisyal ng lungsod ng dawit sa kaso.
Dagdag niya na bilang kalihim ng DILG ay titiyakin niyang magiging maayos pa rin ang lungsod sa kabila ng suspensyon ni Binay
"Ang pinaka importante sa akin ay ang tuloy tuloy , regular , walang patid na paghatid ng serbisyo sa mga mamamayan ng Makati , kaya sisiguraduhin ko po ito.Tulad ng iba pang mga utos ng mga nakatakdang awtoridad tutuparin po ng DILG ang utos ng Ombudsman sa maayos, propesyonal at patas na paraan," ani Roxas.
Pinabulaanan din niya ang paratang ni Binay na siya ang nasa likod ng suspensyon dahil parte ito ng paninira kay Bise Presidente Jejomar Binay na tatakbo sa susunod na taon sa pagkapangulo.
"Ang Ombudsman ang nagdesisyon na may sapat na ebidensya para sa pagsuspindi kay Mayor Binay. Wala tayong lahat magagawa kundi ito ay respetuhin at ang DILG naman ay napag utusan lang ng mga husgado na ipatupad ang batas dahil kabahagi yan ang trabaho ng ahensya."
Tinalo ng nakatatandang Binay si Roxas noong 2010 national elections.