MANILA, Philippines – Hinihiling ng mga residente ng Lingayen, Pangasinan sa Department of Environment and Natural Resources na kumpiskahin ang tone-toneladang black sand na iligal na minimina sa mahabang baybayin ng lalawigan.
Ayon kay Rolando Rea, isa sa mga lumalaban sa iligal na pagmimina ng black sand sa nasabing lugar, dapat na kunin ng DENR ang mga equipments sa ginagawang pagmimina gaya ng separator machine.
Importante anyang makumpiska ang nasabing separator machine lalo pa at ito ay nasa Malimpuec na napakaraming makukuhang black sand. Hindi rin aniya makabubuti ang pagtatayo ng napakataas na pader sa golf course na itinatayo dahil hindi na makalapit sa dagat ang mga residente dito at hindi na makikita kung inuubos na umano ng mga ito ang mga black sand dito.
Una na umanong nakapagpuslit ang Xpher Builders Inc., ng 1,000 metrikong tonelada ng black sand mula sa Lingayen patungong Sual port.
Magugunita na nasibak na sa kanilang posisyon sina provincial administrator Rafael Baraan at Alvin Bigad, opisyal ng Provincial Housing Urban Development council Office dahil sa kasong grave misconduct at may kaugnayan sa iligal na pagmimina rito.
Kinuwestiyon din ni Rea ang pagtatayo ng nasabing pader sa kahabaan ng baybayin ng dagat na pinagtatayuan ng proyektong golf course ng lokal na pamahalaan dahil hindi ito sakop ng ipinalabas na Environmental Compliance Certificate ng DENR.