MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na isang 5 buwang gulang na sanggol na taga Cavite ang namatay sa meningococcemia habang naka-confine sa Research Institute of Tropical Medicine o RITM sa Muntinlupa.
Ayon kay Health Assistant Secretary Elmer Punzalan, ang inisyal na impormasyon ay kanyang nakuha mula kay RITM Dir. Dr Socorro Lupisan.
Hindi pa maibigay ng ahensya ang kumpletong detalye kabilang na kung kailan na-confine ang bata at kung paano o kanino niya nakuha ang sakit.
Wala naman daw dapat ipag-alala sa mga hospital staff maging ang mga kaanak ng bata dahil nagbigay na ng prophylaxis o gamot pangontra upang di sila mahawa.
Ang meningococemia ay isang impeksyon sa dugo na nakukuha sa isang uri ng bacteria.
Nakukuha ang naturang sakit sa pamamagitan ng droplets o kapag naubuhan ng carrier ng bacteria. Ang mga sintomas ng sakit ay katulad ng trangkaso.