Solon dismayado sa Mamasapano, nagbitiw
MANILA, Philippines – Nagbitiw bilang kinatawan ng Akbayan partylist si Rep. Walden Bello dahil sa pagkadismaya sa umano’y cover-up ni Pangulong Aquino sa Mamasapano.
Ayon kay Bello, hindi na niya kayang suportahan pa si PNoy dahil sa paghuhugas ng kamay sa responsibilidad sa Oplan Exodus, ang misyong plinano at ipinatupad mismo ng Pangulo.
Ayon pa sa kongresista, binabawi na niya ang kanyang suporta kay PNoy na ang asal ay disgrace o kahiya-hiya.
Samantala, hindi naman ikinagulat ni House Speaker Feliciano Belmonte ang pagkalas ni Bello sa majority coalition. Sinabi ni Belmonte na hindi kabawasan sa suporta ang pagkalas ng kongresista dahil 92-93 porsiyento ng mga mambabatas sa Kamara ang bumubuo sa mayorya kaya kahit isa o dalawa ang umalis ay hindi ito malaking kawalan.
Nilinaw naman ni Belmonte na hindi na kailangan pa ang loyalty check sa mga kaalyado ni Aquino sa Kamara dahil nasosolusyunan naman ng mayorya ang kanilang pagkakaiba-iba kaya tiwala ito na wala ng iba pang susunod kay Bello.
Noong nakaraang taon pa umano nagpasabi si Bello na nais nitong magbitiw bilang kinatawan ng Akbayan dahil sa salungat nitong pananaw sa mga polisiya ng administrasyong Aquino.
Naniniwala naman si Rep. Ibarra Gutierrez na makukumbinsi pa nila si Bello na magbago ng isip.
Subalit kung talagang hindi umano nila mapipigilan si Bello ay ang third nominee ng Akbayan na si Angie Ludovice Katoh ang papalit dito sa Kamara.
- Latest