Puwedeng maglagay ng permanent PNP chief si PNoy – Lacson

MANILA, Philippines - Puwedeng magtalaga si Pangulong Benigno Aquino III ng permanenteng Philippine National Police (PNP) chief, ayon kay former Sen. Panfilo Lacson.

“Dapat permanente, kasi wala nang Chief PNP. Di lang puwede mag-appoint kung di pa nag-resign o nag-retire. Itong particular na kaso, wala na talagang Chief PNP, kasi tinanggap na ni PNoy ang resignation ni General Alan Purisima,” wika ni Lacson sa isang radio interview.

Ang posisyon ni Lacson ay taliwas sa pana­naw ng ilang sektor, ka­bilang ang Palasyo, na maaari lang magtalaga si Aquino ng officer in charge dahil si Purisima ay isang four-star general.

Batay sa batas, isa lang dapat ang aktibong four-star general sa PNP. Hanggang siya’y magretiro, mananatiling four-star general si Purisima kahit nagbitiw na ito bilang PNP chief.

“Magkaibang isyu ang ranggo at posisyon,” wika ni Lacson, na nagsabing maaaring magtalaga si Aquino ng PNP chief na hindi four-star ang ranggo.

 

Show comments