Para sa SAF 44 probe 3 araw pa hirit ng BOI

MANILA, Philippines - Humirit pa kahapon ang PNP-Board of Inquiry (PNP-BOI) ng tatlong araw para tapusin ang imbestigasyon sa Oplan Exodus na nauwi sa madugong bakbakan sa Mamasapano, Maguin­danao noong Enero 25 na ikinasawi ng 44 Special Action Force (SAF) commandos.

Ayon kay BOI chairman at CIDG director Ben­jamin Magalong, kailangan pa nila ng 3 araw upang tapusin ang kanilang report kasabay ng paniniguro na walang magaganap na whitewash at walang sisinuhin sa magiging resulta nito.

Una nang itinakda ng PNP-BOI ang hanggang Pebrero 26 para tapusin ang imbestigasyon na pinalawig hanggang Marso 9  pero humirit ng panibagong 3 araw.

Inihayag naman ni Magalong na hindi nagsumite ng kahit anong pahayag o affidavit si Pa­ngulong Benigno Aquino III kaugnay ng nalalaman nito sa Mamasapano clash habang tumanggi naman si suspended PNP chief Alan Purisima na ipasilip ang mga mensahe sa kanyang cellphone.

Iginiit ni Magalong na mahalaga ang mga mensahe sa mga cellphone para mabigyang-linaw ang mga kaganapan sa gitna na rin ng madugong Mamasapano clash.

Magugunita na ang Oplan Exodus ay ini­lunsad ni Purisima, na­sibak na si dating SAF Director Getulio Napeñas  Jr. at may basbas ni PNoy para hulihin sina Jemaah Islamiyah (JI) terrorist Zulkipli bin Hir alyas Marwan, may reward na $5M  at ang Pinoy henchman nitong si Abdul Basit Usman, may patong namang $2M sa ulo.

Samantala, siniguro naman ni Sen. Grace Poe na hindi hihintayin ng Senado ang BOI report bago nila ilabas ang Mamasapano investigation ng kanyang komite sa darating na Marso 17.

 

Show comments