MANILA, Philippines – Pinayagan ng korte ngayong Lunes ang isa sa mga suspek sa Maguindanao massacre na makapagpiyansa para sa kasong multiple murder.
Nagbayad ng P11.6 milyon si dating provincial officer-in-charge Sajid Islam Ampatuan upang pansamantalang makalaya matapos aprubahan ni Quezon City Regional Trial Court Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes ang kanyang bail petition.
Sa pansamantalang paglaya ni Sajid Islam ay pinagbawalan naman siyang lumabas ng bansa dahil sa hold departure order na inilabas din ni Solis-Reyes.
Anak si Sajid Islam ni dating Maguindanao governor Andal Ampatuan Sr. at kapatid niya ang primary suspek na si Andal Jr.
Siya ang kauna-unahang suspek sa malagim na masaker noong 2009 na makakalaya.
Walang piyansa ang kasong murder ngunit maaaring maghain ng petisyon sa korte upang makakuha ng pansamantalayang kalayaan.
Bukod kay Sajid Islam, 42 suspek pa sa Maguindanao massacre ang pinayagang makapagpiyansa ngunit hindi makalaya dahil hindi makapagbayad ng P11.6 milyon.
Samantala, 14 suspek, kabilang sina Anwar Ampatuan Sr. at Akmad “Tato” Ampatuan, ang ibinasura ang kahilingang makapagpiyansa, habang wala pang desisyon sa hirit nina Andal Sr., Andal Jr., at Zaldy Ampatuan.
Umabot na sa 113 mula sa 197 suspek ang nadakip, ngunit tatlo dito ang ibinasura.
Limampu't walong katao, 32 dito ay mga mamamahayag, ang pinatay noong Nobyembre 23 sa naturang masaker.