MANILA, Philippines - Binatikos kahapon ni United Nationalist Alliance (UNA) Interim President Toby Tiangco ang kitang-kitang selective persecution umano ng pamahalaan sa mga political personalities na hindi kaalyado ng administrasyon.
Kinutya niya ang pahayag ni Sen. Antonio Trillanes IV na ang preliminary investigation ng Ombudsman ay luminis sa pangalan ng Senado sa pag-iimbestiga nito kay Vice President Jejomar Binay at inaasahan nitong mailalabas sa lalong madaling panahon ang kaukulang arrest warrant.
Pero, ayon kay Tiangco, dapat matutong maging maingat sa pagbabasa ng mga balita si Trillanes. “Una, ang preliminary investigation ay hindi para sa plunder na tulad ng ipinapahayag niya. At mas mahalaga, batay sa pahayag ng Ombudsman, wala itong nakikitang overpricing kundi mga kakulangan umano sa mga proseso sa procurement,” dagdag ni Tiangco.
Sinabi pa ng opisyal ng UNA na ang mabilisang pagtrato sa mga alegasyon laban kay Vice President Binay at Makati Mayor Junjun Binay ay mas matingkad kumpara sa usad-pagong na imbestigasyon sa mga kongresistang miyembro ng makaaadministrasyong Liberal Party na sangkot sa anomalya sa Priority Development Assistance Fund.
Naniniwala si Tiangco na merong high-level design para lumpuhin ang political opposition bago sumapit ang halalan sa 2016.
Naunang sinabi ng isang Ombudsman special panel na sinimulan na nila ang preliminary investigation laban kina Vice President Binay, Makati Mayor Junjun Binay at 22 pang iba kaugnay ng pagpapatayo sa Makati City Hall building 2.
“Bakit pagdating sa Binay at Makati, lahat ‘special’. Nagsimula sa Special Senate Sub-Committee, napunta sa Special COA audit team, ngayon naman Special Ombudsman panel. Alam naman natin na kapag may salitang ‘special’, ang ibig sabihin ay hindi para maghanap ng katotohanan pero may special mission yun to convict at all cost, “ sabi pa ni Tiangco.
Pinuna niya ang malinaw na merong pinipili ang preliminary investigation. Inihalimbawa niya si Mario Hechanova, dating procurement officer na umamin sa Senado na dinaya niya ang bidding, pero inalis siya ng panel.
“Bakit obsesyon ng administrasyong ito na ibagsak ang mga Binay? Sa Senado, tuloy-tuloy pa rin ang hearing ng Makati Building-2, pero ang Mamasapano hearing tinapos na nila para pagtakpan ang mga taong may responsibilidad sa pagkamatay ng 44 na SAF members,” puna pa niya.