MANILA, Philippines - Nakatakdang ilabas ngayon ng Board of Inquiry (BOI) ang kanilang report sa tunay na nangyari sa Mamasapano clash na ikinasawi ng 44 miyembro ng PNP-Special Action Force (SAF) noong Enero 25.
Nauna nang sinabi ni BOI Chairman at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Benjamin Magalong, na isusumite na nila ang report sa Lunes kay PNP Officer-in-Charge Deputy Director Gen. Leonardo Espina, alinsunod na itinakdang deadline ng binuong investigating body.
Ayon kay DILG Sec. Mar Roxas, agad niyang isusumite ang isang kopya ng report sa Pangulo kapag natanggap na ito, gayundin sa investigating bodies tulad ng Senado at Kamara.
Limang katanungan ang inaasahan ni Roxas at ng publiko na masagot sa report gaya ng: matino ba ang plano; ginawa ba at nagawa ba ang lahat para masiguro ang kaligtasan ng mga tropa; nasunod ba ang atas at utos ng Pangulo; meron ba, at kung meron nga, ano ang partisipasyon ng mga Amerikano sa operasyong ito at sa kagamitan, gumana ba ng maayos ang mga radyo, vest, baril, at bala ng mga tropa.
“Katanungan ko ang mga ito at palagay ko katanungan din ng ating mga kababayan,” sabi ni Roxas.
Ang Senado ay inaasahang magpa-publish ng kanilang sariling report ngayong buwan bago mag-adjourn, kung saan ang Kongreso ay ipinagpaliban ang kanilang pagdinig hanggang ang BOI report ay mailabas.
Samantala, nakahanda ang Malacañang na kasuhan ang sinumang matutukoy sa Mamasapano report upang makuha ang hustisya sa SAF 44 at lumitaw ang katotohanan.
Ito ang tiniyak ni Communications Sec. Sonny Coloma kahapon bilang tugon sa inaasahang paglalabas ng Mamasapano report ng Senado.
Naunang sinabi ni Sen. Grace Poe noong Biyernes na kabilang ang Office of the President (OP) sa kanilang report partikular ang ginawa at hindi ginawa ni Pangulong Aquino ng mabatid ang ukol sa Oplan Exodus.
“Pasensya na po sa mga matatamaan, pero trabaho rin ang ginagawa namin. Kung mayroong mga nagkamali sa trabaho nila, ilalagay namin na pagkakamali dito at hindi sinasadya, pero mali pa rin,” wika pa ni Poe.