14 BIFF todas sa bakbakan

14 BIFF todas sa bakbakan

MANILA, Philippines – Umabot na sa 14 mi­yembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang napaslang habang 26 pa ang nasugatan sa patuloy na all-out offensive ng tropang gobyerno sa naturang mga rebeldeng Muslim nitong Biyernes ng hapon at Sabado ng umaga sa Maguindanao.

Ayon kay AFP spokesman Brig. Gen Joselito Kakilala, nakasagupa ng operating troops ng Joint Task Force Central dakong alas-2 ng hapon ang BIFF rebels sa mga hangganan ng Datu Saudi Ampatuan, Talayan, Datu Salibo at Datu Piang.

Sa report ng mga field commanders, umaabot na sa 14 BIFF rebels ang napatay hanggang kahapon ng umaga at 13 pa ang nasugatan. Sa kasalukuyan, ayon pa sa opisyal ay patuloy pa ang manaka-nakang putukan sa pagitan ng magkabilang panig.

Sa update naman ni AFP Public Affairs Office Chief Lt. Col. Harold Cabunoc, 13 rin ang mga nasugatan sa mga sundalo kabilang ang isang piloto ng Philippine Air Force (PAF) na nagsasagawa ng air evacuation sa hanay ng militar.

Ang operasyon ay bahagi ng all out offensive ni AFP Chief Gen. Gregorio Pio Catapang Jr. laban sa 300 BIFF rebels na patuloy na naghahasik ng terorismo sa Central Mindanao.

Sa ulat ng Army’s 601st Infantry Brigade, sinalakay ng tropa ng Phi­lippine Army ang lungga ng BIFF pero sa dami ng mga kalaban ay nagsagawa ng ‘troops insertion’ ang militar gamit ang mga Huey helicopter.

Inihayag pa ng opisyal na hindi titigilan ng AFP ang BIFF hanggang hindi tuluyang nalilipol upang hindi na makapaminsala pa ng mga sibilyan na karaniwang biktima sa isinasagawang pambobom­ba ng grupo.

Show comments