MANILA, Philippines - Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tinamaan ng Middle East Respiratory Syndrome Coronavirus (MERS-CoV) ang tatlong Pinay na nagtatrabaho sa Saudi Arabia.
Ayon kay DFA spokesperson Charles Jose, pawang nurse ang tatlong OFW na nakadestino sa magkakaibang ospital doon.
Tumanggi naman si Jose na kilalanin ang tatlong nurse at tukuyin ang pinagtatrabahuhang ospital ng mga ito. Isa umano sa mga ito ay 56-anyos.
Sinabi ni Jose na inaasikaso at naka-isolate na ang mga Pinay pero hindi pa matiyak ang estado ng kalusugan ng mga ito. Puwede rin anyang maagapan ang tatlo dahil maagang nabatid ang mga sintomas ng MERS-CoV na ipinakita nila.
Umaapela naman ang DFA sa mga OFW sa Middle East na boluntaryong magpatingin muna sa mga doktor bago umuwi ng bansa upang magamot sakaling tinamaan ng MERS-CoV.
Nitong Pebrero lang, nagpositibo rin sa sakit ang isang Pinay nurse na bumalik sa bansa mula sa Saudi Arabia pero gumaling din.