MANILA, Philippines - Hindi pabor si Senator Miriam Defensor-Santiago na isailalim sa house arrest si Senator Juan Ponce Enrile dahil labag ito sa batas.
Ayon kay Santiago, mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang pagbibigay ng special treatment kung ito ay para sa isang tao lamang maliban na lang daw kung halos ito ay nasa bingit na ng kamatayan.
Ginawa ni Santiago ang reaksiyon sa harap ng mga panawagan ng ilang senador na isailalim na lang sa house arrest si Enrile matapos maisugod sa Makati Medical Center dahil sa pneumonia.
Giniit ng senador ang prinsipyo ng “equal protection of the law” o pantay-pantay na pagtrato sa ilalim ng batas.
Anya, malamang magkaroon ng epidemya ng pneumonia sa mga bilangguan sa bansa kapag pinagbigyan si Enrile na isailalim sa house arrest.
Ibinigay pang halimbawa ni Santiago ang kaso ni dating Pangulong Gloria Arroyo na mayroon ding karamdaman pero naka-hospital arrest lang at wala sa kanyang tahanan.
Kung ang edad naman anya ang gagamiting konsiderasyon, iginiit ng senadora na marami ring matatandaang nakakulong na namamatay na lamang sa bilangguan.