MANILA, Philippines – Isinuko na kahapon sa pulisya ng pamilya Revilla ang kalibre .40 Glock pistol na umano’y nakaaksidente kay Cavite Vice Gov. Jolo Revilla.
Ayon kay Police Sr. Supt. Allan Nobleza, hepe ng Muntinlupa City Police, ala-1:35 ng hapon nang personal na isuko sa kanya ni Atty. Raymond Fortun, tagapagsalita ng pamilya Revilla, ang naturang kalibre ng baril.
Sinabi ni Nobleza na sa bahagi ng visitor’s area ng Asian Hospital iniabot sa kanya ni Fortun ang nasabing baril kaharap ang ilan pang pamilya ni Jolo.
Hindi naman binanggit ni Nobleza ang iba pa nilang pinag-usapan at ayon dito kay National Capital Region Police (NCRPO) Director Carmelo Valmoria na lamang siya magbibigay ng report hinggil sa iba pang impormasyon.
Samantala, hiniling ng pulisya sa kampo ng mga Revilla na isailalim sa paraffin test si Jolo para malaman kung siya nga ang may hawak ng Glock 40.
Ayon kay Nobleza, kapag aniya may mga ganitong insidente ay mayroon silang standard operating procedure (SOP) upang malaman kung sino ang may hawak ng baril.
Subalit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin tinutugon ang kanilang kahilingan.
Nangako naman ang kampo ng mga Revilla na sa darating na dalawang araw ay magbibigay na ng sworn statement si Jolo at inang si Bacoor Rep. Lani Mercado sa Muntinlupa City Police hinggil sa insidente.