Bullying talamak pa rin

MANILA, Philippines – Pinaiimbestigahan sa Kamara ni Pasig Rep. Roman Romulo ang dumaraming kaso ng bullying at child abuse sa mga eskwelahan.

Ayon kay Romulo, chair­man ng House Committee on Higher and Technical Education, lubhang nakakaalarma ang nasabing insidente dahil nangyayari umano ito sa kabila ng pagkakasabatas ng Anti-Bullying Act noong 2013.

Sa dates na nakuha ng kongresista, umabot na sa 1,700 ang kaso ng bullying at child abuse na naitala ng Department of Education sa mga eskwelahan noong school year 2013-2014.

Bunsod nito kaya hinihiling ni Romulo sa Kamara na imbestigahan at alamin kung nakakatulong ba ang batas o hindi para sawatain ang problema ng bullying sa mga paaralan.

Sa resolusyon ng mambabatas, pinakikilos nito ang House committee on Basic Education and Culture na pinamumunuan ni Pangasinan Rep. Kimi Cojuangco para gawin ang imbestigasyon.

Nais malaman ng kongresista kung kailangan ng amyendahan agad ang batas para patalasin ang ngipin nito at kung may napapanagot ba sa mga nasa likod ng bullying.

Show comments