MANILA, Philippines – Ikinagulat ni Manila Vice Mayor Isko Moreno ang bagong traffic scheme na ipatutupad ngayong Lunes ng Intramuros Administration.
Ayon kay Moreno, walang ginawang koordinasyon o konsultasyon ang IA sa city government kaya’t laking gulat niya ng makatanggap ng abiso ng traffic scheme.
“Sana huwag kaming bastusin. Handa kaming sumuporta sa anumang urban development dahil bahagi pa rin ang intramuros ng Maynila. Kami ang pinakamasarap na kakampi, dahil walang away sa panunungkulan ni Manila Mayor Joseph Estrada”, dagdag pa ni Moreno
Aniya, maraming hindi nakakaalam na may sariling regulasyon ang IA gayundin ang Luneta Park na hindi maaaring pakialaman ng city government subalit madalas na nasisisi ng publiko ang mga city hall officials.
Giit pa ni Moreno na sumusuporta naman sila sa anumang pagbabago at pag-unlad sa lungsod subalit kailangan pa rin ang koordinasyon at respeto. Nagkaayos at nakausap na si Moreno at pamunuan ng IA.
Lumilitaw na sa traffic advisory ng IA, magiging one lane na lamang ang Gen. Luna st Southbound mula Andres Soriano Ave. hanggang Muralla St. kung saan maaari na lamang kumanan sa Muralla St. ang mga sasakyang magmumula sa P.Burgos Ave. northbound at Arzobispo St. northbound mula Anda hanggang Postigo.
Sa Andres Soriano Ave., dalawang lane na lamang ang ipagagamit sa mga motorista kung saan hindi makakadiretso sa Muralla St. ang mga sasakyang magmumula sa Andres Soriano Ave. na kailangan namang kumaliwa sa Soriano Ext. at kanan sa Magallanes Drive. Maglalagay ng harang sa Magallanes Drive.
Hindi rin makakadaan ang mga sasakyan sa bahagi ng Sto. Tomas St. mula sa gilid ng Manila Cathedral hanggang sa Plaza Sto. Tomas. Ipagbabawal din ang pagpaparada ng mga sasakyan sa Plaza Roma at sa gilid ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.
Nanawagan ng pang-unawa si Moreno sa publiko at mga negosyante sa pagpapatupad ng bagong regulasyon ng IA kung saan layon nito na mapangalagaan ang mga makasaysayang gusali sa lungsod.
Magiging mabahagi ito dito sa pedestrianization ng lungsod kung saan hinihikayat ang mga residente at turista na maglakad sa pag-iikot sa ‘Walled City of Manila”.