MANILA, Philippines – “No let up” sa opensiba laban sa Abu Sayyaf Group at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) hanggang sa matigil na ang karahasang kanilang ginagawa.
Ito ang sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief-of-staff Gen. Gregorio Pio Catapang sa lahat ng unit commanders na sangkot sa operasyon upang tugisin ang mga bandido.
“Gusto kong mabawasan ang abilidad ng mga bandido na magsagawa ng mga mararahas na atake sa mga sibilyan bago ako magretiro sa Hulyo 2015,” sabi pa ni Catapang.
Sa kasalukuyan, may 24 na bandidong ASG ang napapatay ng AFP sa kampanya nito sa Sulu laban sa grupo habang dalawang sundalo ang nasawi sa serye ng sagupaan sa Sulu noong nakalipas na linggo. Ang Joint Task Group Sulu ay nakatanggap din ng ulat na si Radulan Sahiron ay sugatan.