Hindi suicide try ‘Jolo Revilla aksidenteng nabaril ang sarili’ - Atty. Fortun
MANILA, Philippines – Nilinaw ng abogado at tagapagsalita ng pamilya Revilla na aksidente ang pagkakabaril ni Cavite Vice-Governor Jolo Revilla sa sarili at hindi isang tangkang pagpapakamatay.
Sa pahayag ni Atty. Raymond Fortun kahapon, nililinis umano ni Revilla ang baril sa kanyang kuwarto bandang umaga ng Sabado sa kanilang bahay sa Ayala, Alabang nang aksidenteng pumutok ito at tamaan ang batang politiko sa dibdib.
Sinabi ni Fortun na hindi niya sakop ang isipan ng ibang tao na nagsasabi na posibleng nagtangkang mag-suicide si Revilla. Ito ay matapos na sabihin ng talent manager na si Lolit Solis na dumaranas umano ng depresyon si Revilla dahil sa sitwasyon ng kanyang amang si Senador Ramon “Bong” Revilla na nakakulong at nadadawit sa anomalya sa Priority Development Assistance Fund.
Kasalukuyan naman umanong “serious but stable” ang kundisyon ni Revilla na nakaratay sa ICU (Intensive Care Unit) ng Asian Hospital sa Alabang, Muntinlupa City. Sa kanyang Facebook account, sinabi naman ni Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla, ina ni Jolo, na isasailalim sa operasyon ang kanyang anak dakong alas-2 ng hapon dahil sa pagdurugo sa dibdib nito. Isang tubo umano ang ipapasok upang sipsipin ang dugo palabas sa katawan ng pasyente.
Sinabi ni Fortun na dakong alas-9 ng umaga ng dumating si Revilla sa bahay ng ama sa Alabang at hinintay ang inang si Lani para sa isang lakad. Nainip umano si Revilla kaya naisipan nitong linisin ang baril sa loob ng kanyang kuwarto. Posible umano na hindi napansin ng bise-gobernador na may isa pang bala sa loob ng chamber ng baril na siyang tumama sa dibdib nito nang aksidenteng makalabit ang gatilyo.
Posible naman umanong magsumite ng mosyon si Senador Revilla sa Sandiganbayan upang payagan siyang makadalaw sa kanyang anak sa pagamutan. Inaasahan ni Fortun na agad na mapagbibigyan ng korte ang magiging apela ni Revilla dahil sa pagiging “urgent” ng sitwasyon.
Nilinaw rin naman ni Fortun na wala pang pulis na nagtangkang makipag-ugnayan sa pamilya Revilla habang hindi naman umano obligado ang mga kaanak ni Jolo na lumapit sa pulisya dahil sa ikinukunsidera nilang hindi kasong kriminal ang insidente.
Bagama’t hindi nabanggit kung anong uri ng baril ang gamit ni Revilla, sinabi ni Fortun na inaasahan niyang lisensyado ito at nakarehistro sa bise-gobernador.
Ipinauubaya naman ng Malacanang sa Sandiganbayan kung papayagan o hindi ang senador na dalawin ang anak sa ospital.
- Latest