MANILA, Philippines — Dapat ipaubaya na lang sa korte ang desisyon kung dapat isailalim sa house arrest si Sen. Juan Ponce Enrile matapos magkaroon ng pneumonia.
Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, ang korte pa rin ang magbibigay ng pinal na desisyon sa isyu kahit pa may mga mambabatas sa dalawang kapulungan ng Kongreso na nagsusulong na i-house arrest na lamang si Enrile.
Kabilang sa mga senador na naniniwalang dapat i-house arrest na lamang si Enrile ay sina Senators Tito Sotto at JV Ejercito.
Isinangkalan ng dalawang senador ang edad ni Enrile na 91-anyos sa paggiit na sa kanyang tahanan na lamang ikulong ang senador na nahaharap sa kasong plunder upang mas maalagaan ng kanyang pamilya.
Bukod kay Enrile nahaharap rin sa kasong plunder sina Sens. Jinggoy Estrada at Bong Revilla.
Nauna ng tinutulan nina Sens. Chiz Escudero at Antonio Trillanes ang paglalagay kay Enrile sa house arrest at dapat umanong manatili ito sa ospital upang mas matutukan ang kanyang kalusugan.