MANILA, Philippines — Isinikreto talaga sa pagitan nina Pangulong Aquino, dating PNP Chief Director Alan Purisima at sinibak na si Special Action Force (SAF) Chief P/Director Getulio Napeñas Jr. ang Oplan Exodus na ikinasawi ng 44 SAF commandos noong Enero 25 sa Mamasapano, Maguindanao.
Ito ang lumitaw sa kumalat na video footage kung saan malinaw ang usapan sa pag-amin ni Napeñas na kay Purisima siya kumukuha ng order at may basbas ito ng Pangulo.
Sa naturang video, kinastigo ni DILG Secretary Mar Roxas si Napeñas kung paanong nakapagsagawa ng operasyon ang halos 400 SAF commandos ng hindi niya nalalaman at maging ng liderato ng PNP.
Kuha ang video noong Enero 26 sa conference room ng Army’s 6th Infantry Division sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao na dinaluhan din nina Defense Secretary Voltaire Gazmin, mga opisyal ng PNP at AFP.
Sinabi ni Napeñas na sensitibong misyon ang Oplan Exodus na target hulihin ang international terrorist na si Zulkipli bin Hir alyas Marwan at Abdul Basit Usman kaya inilihim nila ito maging sa mga opisyal ng AFP. Maraming beses ng nabulilyaso ang operasyon upang hulihin sina Marwan kaya ito isinikreto.
Bukod kay Purisima ay alam rin umano ni PNP Intelligence Group Sr. Supt. Jojo Mendez ang intelligence package na kanilang hawak sa lokasyon nina Marwan.
“We briefed the President Sir,” ani Napeñas bago inilunsad ang kritikal na operasyon.
“My recommendation when I was briefing the President, Sir, is, we will inform the AFP time on target, Sir”, ani Napeñas na big sabihin kapag nasa lugar na ang SAF saka ipapaalam ang misyon.
Una nang ibinulgar ni Napeñas na sa Malacañang ginaganap ang pagpa-plano at maging sa White House, ang official residence ng Chief PNP sa Camp Crame.