Pagtatago sa assets ni Jinggoy, itinanggi
MANILA, Philippines - Itinanggi ni detained Senator Jinggoy Estrada ang report na plano niyang itago o ma-dispose ang kanyang assets na pina-freeze ng Sandiganbayan na sinasabing nakuha ng mambabatas mula sa kanyang komisyon sa kanyang PDAF na ipinondo sa mga ghost projects.
Sa kanyang mosyon na isinumite sa Sandiganbayan, giniit ni Estrada na baliktarin ang freeze order na naipalabas ng graft court laban sa kanyang assets dahil ito naman anya ay intact at hindi nababawasan batay na rin anya sa ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Nitong nakaraang araw ay ipinag-utos ng Sandiganbayan ang pag-freeze sa assets ni Estrada na may halagang P184 milyon nang paghinalaan ng prosekusyon na tangka nitong itago ang yaman makaraang ipasara noong nakaraang taon ang kanyang apat na bank accounts na naglalaman ng P76.4 milyon ilang araw matapos mabulatlat ang kickback mula sa kanyang PDAF.
“If four of his accounts were closed way back in September of 2013, the same cannot be taken against him because this case was not yet in existence at that time,” nakasaad sa mosyon ni Estrada.
Anya, may karapatan ang sinuman na mag-withdraw, magsara ng kanyang account anumang oras nitong gustuhin nang walang nilalabag na batas.
Ang ginawa umano niyang pagsasara sa bank accounts ay hindi ipinagbabawal sa anumang umiiral na batas kaya hindi maaaring gamiting panuntunan upang isyuhan siya ng garnishment o freeze order sa kanyang mga assets.
- Latest