Special tax exemption para kay Pacquiao gagawing batas

MANILA, Philippines - Maghahain ng panukalang batas si Senator Koko Pimentel na naglalayong mabigyan ng special tax exemption si Manny Pacquiao na hindi pa man lu­malaban kay Floyd Mayweather ay binabantayan na ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang ibabayad na buwis.

Ayon kay Pimentel, bilang isang Filipino, pino-promote ni Pacquiao ang Pilipinas tuwing magkakaroon ng laban sa ibang bansa.

Nagsisilbi ring inspirasyon si Pacquiao ng mara­ming Pinoy at dahil sa kanya ay gumaganda ang imahe ng Pilipinas sa ibang bansa.

Ang marketing value aniya na ibinibigay ni Pacquiao sa Pilipinas ay wala ring katumbas na halaga kaya marapat lamang na bigyan siya tax exemption ng gobyerno.

Ipagtatanggol ni Pacquiao ang kanyang World Boxing Organization title sa laban niya kay Mayweather, na undefeated sa 47 laban na hawak naman ang WBC at WBA belts.

Mula sa dating $250 milyon tinatayang aabot sa $400 milyon ang  halaga ng laban ng dalawang boksingero.

Dagdag ni Pimentel na ngayon kinakailangan ni Pacquiao ang lahat ng suporta at inspirasyon para maipanalo ang kanyang laban.

Hindi rin aniya maikakailang bahagi na ngayon na kasaysayan ng sports si Pacquiao na pino-promote hindi laman ang boxing kundi ang Pilipinas sa buong mundo.

 

Show comments