MANILA, Philippines - Naglaan ang pamahalaang lunsod ng Makati ng kabuuang badyet na P2.1 bilyon para sa programa nito sa pampublikong edukasyon sa taong ito.
Sinasaklaw nito ang preschool, elementary, high school, K to 12 senior high school at tertiary level na tumutugma sa hangarin ng pamahalaang lokal na magbigay ng may kalidad na edukasyon sa magiging mga lider ng bansa sa hinaharap.
Sinabi ni Makati Mayor Jejomar Erwin S. Binay na dalawang dekada nang naglalaan ang pamahalaang lunsod ng sapat na pondo para sa pampublikong edukasyon kaya kabilang ito sa tatlong pangunahing gastusin taun-taon.
Ang education budget ng lunsod para sa taong kasalukuyan ay bumubuo sa 17.02 porsiyento ng P12.28 kabuuang budget nito para sa calendar year 2015.
Sa P2.1 bilyong badyet, P476.91 milyon ang inilaan sa libreng school supplies, reading materials, at uniforms para sa preschool hanggang high school at free meals para sa undernourished elementary students.
Umaabot naman sa P150 milyon ang inilaan sa workbooks at reading materials, P212 million sa school uniforms at P.E. uniforms, P84.6 million sa school supplies at bags, at P9.8 million para sa dental kits ng Kindergarten to Grade 3 pupils.
Para naman sa supplementary feeding program na Project FEED (Food for Excellent Education and Development), naglaan ang pamahalaang lunsod ng P14.5 million sa taong ito.
Para naman sa senior high school program sa Higher School ng UMak (HSU), inilaan ng lunsod ang P40.7 million para sa school supplies, uniforms, textbooks at workbooks para sa school year 2015-2016.