MANILA, Philippines - Kontra si Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno sa panawagan ng grupong EDSA 2.22.15 Coalition na siya ang mamuno ng transition government kung sakaling mapatalsik o mag-resign si Pangulong Aquino.
Payo ni Sereno sa grupo, tingnan ang 1987 Constitution dahil dito nakasaad kung ano ang gagawin ng bansa sa panahong may kaguluhan at mawawalan ng lider.
Kung pagbabasehan anya ang Article 7, Section 8, Paragraph 1 ng Constitution, malinaw na hindi ang Chief Justice ang papalit sa Pangulo.
Nakasulat dito na sakaling mamatay, mapatalsik o mag-resign ang Pangulo, dapat na ang Pangalawang Pangulo ang hahalili at kung wala ay maaring mailipat ang kapangyarihan sa Senate President hanggang House Speaker hanggang hindi nakakahalal ng bagong Pangulo at pangalawang Pangulo.
Maalala na sa pagdiriwang ng ika-29 na anibersaryo ng Edsa People Power 1 nanawagan ang grupo na magbitiw si Aquino at ang papalit ay ang transition government na pangungunahan ni Sereno kasama ang mga tagapayo na kinabibilangan ng mga taga-Simbahan.
Ayon sa grupo nawalan na ng kakayahang mamuno ng bansa ang Pangulo dahil sa Mamasapano encounter na ikinasawi ng SAF 44.