MANILA, Philippines - Pinaalalahanan ni Magdalo partylist Rep. Ashley Acedillo sina Presidential adviser on peace process Teresita Deles at gov’t peace panel chairman Miriam Coronel Ferrer na tungkulin nilang isulong ang national interest at hindi protektahan ang interes ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ayon kay Acedillo, hindi nakatutulong para kay Deles at Ferrer ang mistulang pag-aabogado sa MILF dahil sumasama ang tingin sa kanila ng publiko.
Partikular na ikinabahala ng kongresista ang pahayag ni Ferrer na nakapaloob sa Bangsamoro Basic Law (BBL) ang training ng MILF.
Kinontra ito ni Acedillo at sinabing wala siyang nabasang probisyon sa BBL na pinapayagan ang pagsasanay ng MILF.
Iginiit pa nito na ang nasabing hakbang ay maituturing na bad faith dahil hindi na kailangang magpalakas ng pwersa kung ang layunin ng peace process ay bumalik ang MILF sa political entity mula sa pagiging revolutionary.
Hindi umano na dapat magbulag-bulagan ang OPAPP dahil hindi naman natutulog sa pansitan ang Armed Forces kaya alam ng mga ito kung para saan ang ginagawa ng MILF.