MANILA, Philippines - Isinugod sa Makati Medical Center si dating Senate President Juan Ponce Enrile matapos na umubo ng may kasamang dugo dahil sa lumalalang sakit nitong pneumonia.
Sa press briefing, kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ang pagdadala kay Enrile sa Makati Medical Center mula sa PNP General Hospital kahapon ng alas-3 ng madaling-araw.
“We wish him good health and speedy recovery,” ani Roxas matapos na mairekord sa 39 ang lagnat ng senador simula pa noong Martes.
Nabatid na dumanas ng matinding lagnat ang dating Senate President at naninikip din ang dibdib nito sa pag-ubo na may bahid ng dugo.
Si Enrile ay naka-hospital arrest sa PNP General Hospital dahil sa kinakaharap na mga kasong plunder at graft dahil sa P10 bilyong pork barrel scam.
Ayon kay Chief Insp. Raymund Santos, doktor ni Enrile sa PNP hospital, kailangan ng karagdagang laboratory testing sa senador.
Sinabi ni Santos na sa sandaling makarekober si Enrile ay bahala na ang korte ng magdesisyon kung mananatili ito sa PNP General Hospital o ililipat sa ibang pribadong ospital.
Magugunitang Setyembre nang pagbigyan ng Sandiganbayan 3rd Division ang hirit na hospital arrest ni Enrile.