MANILA, Philippines - Hihilingin ng oposisyon sa Kamara na pagbotohan muna kung dapat na muling buksan ang pagdinig sa Bangsamoro Basic Law (BBL).
Ayon kay independent minority bloc member at Buhay partylist Rep. Lito Atienza, sakaling payag umano ang mayorya ng mambabatas na muling buksan ang pagdinig sa nasabing panukala ay saka lamang dapat muling simulan ang hearing.
Giit ni Atienza hindi maatim ng kanyang konsensya na ituloy ang usaping pangkapayapaan sa grupong MILF gayung ang mga ito ang pumatay sa SAF 44 dahil lang sa isang lehitimong operasyon habang walang nananagot sa mga ito sa naturang krimen.
Nilinaw naman ng kongresista na siya at ang kanilang grupo ay pabor sa pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao subalit dapat munang isuspinde ang pagdinig sa BBL hanggang hindi nalalaman ang katotohanan sa pagkamatay ng SAFF 44.
Dahil sa kasalukuyan umano ay pawang kasinungalingan mula sa militar, pulisya, kay DILG Sec. Mar Roxas at Defense Sec. Voltaire Gazmin ang naririnig ng publiko. (Gemma Garcia)