MANILA, Philippines – Mula sa kasalukuyang 60 araw, nais ni Sen. Antonio Trillanes na gawing 120 araw o apat na buwan ang maternity benefits na ibinibigay sa mga empleyadong bagong panganak.
Sa Senate Bill 2661 ni Trillanes, sinabi nito na kinikilala ng gobyerno ang papel ng mga kababaihan sa nation-building kaya dapat lamang na tiyakin ang kanilang kaligtasan at working conditions at isaalang-alang ang kanilang maternal functions.
Ipinunto ni Trillanes na noong 2008 pinuna ng UNICEF ang Mortality Rate ng Pilipinas kung saan 32 sa bawat 1,000 live births ang namamatay bago mag-limang taong gulang.
Ang Pilipinas ay pag-86 sa 190 bansa sa mundo na may pinakamataas na ‘under-five mortality rate’.
Kabilang sa mga rekomendasyon upang mabawasan ang mga batang namamatay ay ang access ng mga sanggol sa mas mahabang breastfeeding.
Kinikilala rin ng World Health Organization ang breastfeeding bilang mabuting paraan ng pagbibigay ng nutrients sa mga sanggol.
Sa panukala ni Trillanes, mas mahabang panahon na makakapag-breastfeed ang mga bagong anak kung gagawing apat na buwan ang kanilang maternity leave mula sa kasalukuyang dalawang buwan o 60 araw.