MANILA, Philippines – Dadaan sa overhaul ng Kamara ang Bangsamoro Basic Law (BBL) bago ito tuluyang mapagtibay.
Ayon kay House Majority leader Neptali Gonzales, hindi nila susundin ang orihinal na bersyon ng BBL sa kabila ng sinasabi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na hindi nito tatanggapin ang amended version ng nasabing panukalang batas.
Giit ni Gonzales, hindi maaaring masunod ang kagustuhan dito ng MILF dahil dumaan sa legislative mill ang panukala kaya natural na magkaroon ng pagbabago.
Tumanggi naman itong tawaging watered down version o mas malabnaw na bersyon ang ipapasang BBL bagamat marami ang mababago dito lalo na ng mabasag umano ang tiwala ng maraming mambabatas dahil sa Mamasapano incident.
Una na umanong mababago ang mga probisyong sumasagasa sa Saligang Batas tulad ng pagtatag ng sariling tanggapan ng Bangsamoro na mayroon ng existing constitutional body.
Tiyak din na mababago ang ilalaang pondo ng national government sa Bangsamoro na sa ilalim ng kasalukuyang BBL ay 4% ng gross na kita ng gobyerno kada taon na tinatayang katumbas ng 70 bilyon piso.
Sabi ni Gonzales, imposibleng mailaan ang ganito kalaking halaga sa Bangsamoro kada taon, kaya bagamat aminado ito na matagal nang napabayaan ang Mindanao ay kailangan nilang magtakda ng mas rasonable at praktikal na halagang ibabahagi ng national government sa Bangsamoro.