MANILA, Philippines – Hinamon ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles si Justice Sec. Leila de Lima na kasuhan sila at kanilang grupo na National Transformation Council na nananawagan ng pagbibitiw sa puwesto ni Pangulong Aquino.
“If they are truly following the law, then apply the law,” ani Arguelles.
Ayon kay Arguelles, walang mali sa ginagawa ng kanilang grupo na NTC dahil “ecumenical and interfaith collective” ang kanilang ginagawa para na rin sa kapakanan ng nakararami at pagbabago ng system.
“Ang amin pong plano hindi naman military junta. Ayaw ho namin ng kudeta, ayaw namin ng violence, ayaw po namin ng karahasan. Hindi ho junta ang aming iniisip,” ani Arguelles.
Matagal na anyang isinusulong ng NTC na binubuo ng mga obispo at mga dating pulitiko na bumaba na si Aquino dahil ‘incapable’ itong pamunuan ang bansa, marami na umano itong maling desisyon at hindi nailalatag ang mga pagbabagong kailangang gawin.
Inamin naman ni Arguelles na kung mayroon man silang mga kasamang taga-militar, ito ay mga dati at retirado na kaya maituturing nang sibilyan ang mga ito.
Babala ni de Lima, ang conspiracy, anumang tangkang rebelyon o kudeta ay labag sa batas.