MANILA, Philippines – Inalala ni Pangulong Benigno Aquino III ngayong Martes ang hinarap na mga suliranin ng kanyang administrasyon, kabilang ang pinakabago, ang Mamasapano clash.
Sinabi ni Aquino sa kanyang talumpati sa Ten Accomplished Youth Organizations awarding ceremony na ginagawa niya ang lahat upang masolusyonan ang mga problema.
"Kamakailan lang, humarap muli ang sambayanan sa panibagong pagsubok bunsod ng insidente sa Mamasapano. Bilang pangulo, ginagawa ko ang lahat upang harapin at tugunan ang mga suliranin ng bansa. Madalas, binabaliwala nalang natin ang pagod at puyat," pahayag ni Aquino.
Aniya hindi siya nagpapadala sa kanyang mga emosyon upang maiwasang lumalala pa ang problema.
"Hindi ako pwedeng magpadala sa bugso ng aking emosyon dahil baka mapalala ko pa ang problema. Sa bawat pagkakataon, kailangan kong maging mahinahon at laging balikan kung para saan natin ginagawa ang lahat ng ating pagsisikap,” dagdag niya.
Higit isang taon na lamang ang natitira sa termino ni Aquino kaya naman nais niyang ipasa sa susunod na administrasyon ang mas maunlad na bansa kumpara sa inabutan niya.
"Ito nga ang tangi nating hangad: ang hindi na maulit pa ang kamalian ng nakaraan at maipamana sa susunod na salinlahi ang di hamak na mas maunlad at mas magandang Pilipinas," wika niya.
Kaliwa't-kanan ang panawagan sa pagbibitiw ni Aquino kasunod ng pagkasawi ng 44 miyembro ng Special Action Force sa Mamasapano, Maguindanao.
Lalong lumiyab ang galit ng publiko sa Pangulo dahil sa hindi pagdalo sa arrival honors para sa mga labi ng mga nasawing PNP.