MANILA, Philippines – Naalarma ang prosekusyon sa ulat na pagdalo ni suspended Sen. Ramon Revilla Jr. sa 91st birthday celebration ni Sen. Juan Ponce Enrile noong February 14.
Ayon sa prosekusyon, malamang na nabibigyan ng special treatment si Revilla habang nakakulong sa PNP Custodial center sa Camp Crame dahil nakakalabas ito ng kulungan.
Bunga nito, sinabi ng prosekusyon na hindi na dapat pagbigyan si Revilla sa mga request nito na hospital check-up dahil maaaring ginagamit din ito ng mambabatas para makapunta sa ibat lugar.
Binigyang diin ng prosekusyon na alinsunod sa batas, ang isang akusado ay maaari lamang makalabas ng kulungan kung may pag-apruba rito ang korte.
Sinasabing si Revilla ay lumabas ng PNP Custodial center noong Feb. 14, 2015 para dumalo sa birthday ni Enrile sa PNP General Hospital kasama ang anak nitong si Cavite Vice governor Jolo Revilla nang walang pahintulot ang korte .
“Nagtataka kami bakit mayroong mga pictures na na-receive namin na nandun siya nu’ng Feb. 14 sa kwarto ni Sen. Enrile kasama pa niya anak niya. Marami kaming natatanggap na unverified reports na nabibigyan siyang special privileges, ngayon mayron na kaming pictures,” pahayag ni prosecutor Joefferson Toribio.
Itinanggi naman ni Sen. Revilla na nagpunta siya sa birthday ni Sen. Enrile na nasa hospital arrest sa Camp Crame.