MANILA, Philippines – Nai-freeze kahapon ng Sandiganbayan ang may P184 milyong halaga ng assets ni detained Sen. Jinggoy Estrada bunga ng kasong graft at plunder ng mambabatas na may kinalaman sa pork barrel scam.
Inaprubahan ng 5th division ng Sandiganbayan ang mosyon ng prosekusyon na humihiling ng garnishment sa mga property ni Estrada na kapapalooban ng cash, real estate, shares of stocks at iba pa.
Sinasabing ang P184 milyong assets ni Estrada ay nalikom nito mula sa kanyang komisyon sa kanyang pork barrel na nailaan sa mga proyektong naidaan sa pekeng NGO ni Janet Napoles.
Sa desisyon ng pag freeze sa assets ni Estrada ay binigyan ng puntos ang argument ng prosekusyon na mapangalagaan ang pamahalaan mula sa mga sinasabing nakaw na yaman.
“Wherefore, premises considered, the prosecution’s ex parte motion for issuance of writ of preliminary attachment/garnishment is granted. Let a writ of preliminary attachment (be issued) against Estrada requiring the Sheriff of this Court to attach so much of his property in the Philippines of said accused … in an amount not exceeding P183.793 million,” nakasaad sa resolusyon ng Sandiganbayan.
Binigyang diin ng prosekusyon na dapat mapangalagaan ang sinasabing nakaw na yaman ni Estrada lalupat iniulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nakapag close ng bank account ang mambabatas na may halagang P76.4 milyon noong sumingaw ang PDAF scam.
Una nang na freeze ng Sandiganbayan ang assets ng kapwa akusado ni Estrada na si suspended Sen. Bong Revilla.