MANILA, Philippines – Binasahan ng sakdal ngayong Lunes ng umaga si US Marine Joseph Scott Pemberton para sa kasong murder sa pagpatay umano kay Filipino transgender Jeffrey “Jennifer” Laude.
Hindi naghain ng plea ang Amerikano kaya naman ang Olongapo Regional Trial Court na ang nagpasok ng “not guilty” plea.
Nauna nang ibinasura ng korte ang hirit ng kampo ni Pemberton na ibaba sa homicide ang kaso.
Si Pemberton ang itinuturong pumatay kay Laude sa lungsod ng Olongapo nitong Oktubre.
Natagpuan ang bangkay ni Laude sa loob ng isang paupahang kwarto, kung saan may tama ng matigas na bagay siya sa ulo.
Dahil sa insidente ay nabuhay ang panawagan na ibasura ng visiting forces agreement, ngunit nanindigan ang gobyerno na hindi ito mangyayari.