MANILA, Philippines – Sinasamantala umano ng ilang grupo ang trahedya sa “Fallen 44” para sirain ang mga nagawang tagumpay ng administrasyon at bawasan ang endorsement power ni Pangulong Aquino sa halalan sa 2016.
Ito ang paratang kahapon ni Iloilo Congressman Jerry Trenas na pumunang lubhang organisado at maraming pondo ang mga taong nasa likod ng kilusan para mapatalsik sa puwesto si Aquino.
“Nakakalungkot na ginagamit ngayon sa makasariling adyendang pulitikal ang Mamasapano tragedy. Maging ang ilang lider-relihiyoso natin ay nabubulag ng mga political opportunist na ito,” sabi ni Trenas.
Sinabi pa ni Trenas na ang pagpapaliit sa endorsement power ng Presidente ang susunod na bagay na maaari nilang gawin kung mabulilyaso ang plano nilang agawin ang kapangyarihan.
“Isang consolation prize ang pagwasak sa endorsement power ni Pangulong Aquino sa planong agawin ang kapangyarihan. Plan B nila iyan dahil batid nilang hindi sila suportado ng sambayanang Pilipino. Wala silang suporta ng military at ng pulisya kaya tiyak na papalpak ang pang-aagaw na ito ng kapangyarihan,” wika pa ng kongresista.
Pinansin pa ng kongresista na marami sa mga personalidad na sangkot sa grupong nananawagan sa pagpapatalsik sa Pangulo ang kunektado sa nga dismayadong pulitiko na gagawin ang lahat para makabalik sa kapangyarihan sa 2016.
Halata anya sila sa kanilang pakikisangkot sa National Transformation Council (NTC) dahil ang talagang pakay nila sa panawagan sa pagbibitiw ng Pangulo ay malihis ang pokus nito sa paghabol sa mga nangulimbat sa kabang-bayan.