MANILA, Philippines – Isang panukalang batas ang isinusulong sa Kamara na naglalayong mahinto ang pagka-adik ng mga kabataan sa Defense of the Ancients o DOTA, iba pang computer games at malalaswang websites.
Sa House Bill 4740 o ang Internet Cafe Regulation Act na inihain ni Valenzuela Rep. Win Gatchalian, hinihikayat din nito ang mga magulang na i-monitor mabuti ang nilalaro sa computer ng kanilang mga anak at kung anong websites ang binubuksan.
Nakasaad pa sa panukala na hindi rin dapat papasukin ng mga may-ari ng internet shop ang mga menor de edad mula alas-7 ng gabi hanggang alas-7 ng umaga tuwing weekends at holiday upang malimitahan ang mga ito sa computer games.
Iginiit pa ni Gatchalian na kapag nakaka-access ang mga kabataan sa computer at internet ay mistulang nagiging “double edged sword” ito sa kabataan dahil nagbibigay ito ng mabilis na impormasyon sa kanila habang lantad naman sila sa addiction sa mga laro at iba pang malalaswang websites.
Inihalimbawa ng kongresista ang nangyari sa isang 16-taong-gulang na batang lalaki na pinatay ang 11-anyos na lalaking kalaro dahil na-hacked nito ang kanyang DOTA account, gayundin ang 17-anyos na binatilyo na binugbog ang kanyang lola matapos siya nitong pagalitan dahil sa sobrang adik sa computer games.
Ginawa ni Gatchalian ang hakbang matapos na magkaroon ng resolution ang isang barangay sa Dasmariñas, Cavite na nagba-ban sa larong Dota dahil sa nagdudulot umano ito ng sugal at gulo sa kanilang komunidad.