MANILA, Philippines – Patuloy na binabantayan ng grupong Philippine Crusader for Justice (PCJ) ang pag-usad sa proseso ng isasagawang recall election sa pagka-gobernador sa Bulacan.
Itoy kasunod ng pagtalima ni Bulacan Provincial Election Supervisor Atty. Elmo Duque sa kautusan ng Comelec en banc na may sapat na batayan para ituloy ang recall election.
Sa isang press conference, sinabi ni Joe Villanueva, convenor ng PCJ, anumang maling pagkilos ng Comelec at kampo ni Gov. Alvarado ay may kaakibat na kilos-protesta at aksyong legal kung kinakailangan.
Sa record na hawak ng PCJ noong April 28, 2014 naghain ng recall petition si Perlita Mendoza, isang taxpayer at residente ng Bocaue, Bulacan dahil nawalan na aniya ng tiwala ang mga taga-Bulacan sa pamunuan ni Alvarado dahil umano sa maanomalyang paglustay ng pondo ng pamahalaang panlalawigan.
Dahil dito nagbabala ang PCJ sa kampo ni Alvarado maging sa lokal na Comelec na huwag balewalain ang pagbabantay ng 319,707 registered voters o mahigit 10 porsiyento ng kabuuang 1,830,698 voting population ng probinsya ng Bulacan na pumirma sa recall petition.