MANILA, Philippines – Libu-libong mahihirap, mga estudyante at iba’t ibang grupo ang nagkasa ng malawakan at malakihang protesta sa Edsa shrine at Mendiola para hilingin ang mabilis na paglisan ni Pangulong Aquino sa kanyang puwesto.
Ayon kay Carlito Badion, national secretary general ng grupong Kadamay, nasa sampung libong urban poor community ang kanilang target na lalahok sa protesta sa Edsa shrine habang nasa 20,000 mahigit naman ang target na makasama sa ikinasang pinakamalaking rally sa Mendiola sa Pebrero 27.
Ang mga pagkilos ay pangungunahan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Kadamay at Alyansa Kontra Demolisyon kasama ang iba’t ibang grupo mula sa Southern Tagalog at Central Luzon.
Magsasagawa naman ng nationwide walk-out ang League of Filipino Students (LFS) at Youth Act Now sa Pebrero 27.
Susunod sa walk-out mula sa kanilang mga klase ang pagtitipon ng mga estudyante sa assembly points na nakatalaga sa Morayta, Taft Avenue sa Manila, at Philcoa sa Quezon City.
Pagsapit ng hapon ay tutulak ang mga kabataan pa-Mendiola para katagpuin ang iba pang grupo ng mga guro, church members at mga manggagawa.
Pebrero 25 pa lamang ay aarangkada na ang ikinasang people power movement laban sa Pangulo ng alyansa ng mga nasabing grupo, na target bumuo ng isang “human chain for justice and accountability” sa kahabaan ng EDSA. Magtatagal hanggang Pebrero 28 ang nasabing pagkilos.