MANILA, Philippines - Kinalampag ng grupo ng mga guro ang tanggapan ng Department of Budget and Management (DBM) upang ipanawagan na mabigyan sila ng salary increase na hindi umano naipagkakaloob sa kanila ng administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino.
Kasabay nito ang pagbabanta na posibleng magkakaroon ng mass leave sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa kung hindi pa ibibigay ng Malakanyang ang kanilang hinihinging taas-sweldo.
“Teachers ended 2014 with a sit-down strike for salary increase and quality education that struck not only the Department of Education but also Malacanang. We open 2015 with another nationally coordinated sit-down for salary increase on February 24 and this struggle for salary increase will culminate to a nationwide mass leave of teachers and employees should President Aquino fail to heed our call,” ani Louie Zabala, pangulo ng Manila Public School Teacher’s Association.
Sa kilos-protesta na nagsimula bandang alas 9:00 ng umaga sa harap ng DBM, mga guwardiya lamang at mga pulis ang humarap sa kanila.
Kabilang sa kanilang hinaing ang pagtataas ng entry level salary ng mga guro sa P25,000 mula sa kasalukuyang P18,000 habang ang sweldo ng mga staff at non-teaching personnel ay dapat aniyang itaas sa P15,000 mula sa dating P9,000.
Mula umano nang maupong Pangulo si PNoy ay hindi na nila natikman ang salary increase at nabawasan pa umano ang kanilang incentive at benefits.
Hiling pa nila na dapat nang maisama sa 2016 budget appropriation ang kanilang kahilingan dahil ngayong taon ay hindi na naman umano sila isinama sa pinaglaanan ng pondo ng pamahalaan.