MANILA, Philippines - Ligtas na sa Middle East Respiratory Syndrome Coronavirus (MERS-CoV) ang buntis na Pinay nurse na galing Saudi Arabia na unang nagpositibo sa sakit.
Ayon kay Department of Health (DOH) acting Secretary Janette Garin, negatibo na sa tatlong sunud-sunod na pagsusuri sa MERS-CoV sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang Pinay nurse kaya pinayagan na itong makalabas ng ospital.
Gayunman, pinapayuhan pa rin siyang ilimita ang galaw at manatili muna sa kanilang bahay ng hanggang 10 araw. Hindi pa naman natitiyak ng mga doktor ang kalagayan ng kanyang sanggol sa sinapupunan.
Dahil sa paggaling ng Pinay nurse, wala nang active case ng MERS-CoV sa Pilipinas, ayon sa DOH.
Nanawagan naman ang DOH sa publiko na makipagtulungan sa pagbabantay upang hindi lumaganap sa bansa ang mga emerging infectious disease kagaya ng MERS-CoV.
Ang MERS-CoV ay nagpapakita ng sintomas tulad ng trangkaso o pananakit ng katawan, ubo at hirap sa paghinga at ito ay karaniwang nakukuha sa Middle East region.
Noong 2012, ang MERS-CoV ay nagsimulang tumama at kumalat sa 22 bansa kabilang na ang Saudi Arabia na mabilis na lumaganap sa Malaysia, Jordan, Qatar, Egypt, United Arab Emirates, Kuwait, Turkey, Oman, Algeria, Bangladesh, Austria, United Kingdom at United States.
Karamihan umano sa mga kaso ng coronavirus ay iniuugnay sa Saudi Arabia na siyang pinagmulan nito.