Islamic state giit ng BIFF sa Mindanao
MANILA, Philippines - Walang balak na lumahok sa peace talks ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang grupong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Sa panayam ni BIFF Spokesperson Abu Misry Mama sa dzMM, iginiit nila ang kanilang ipinaglalaban at ito ay ang magkaroon ng Islamic state at hindi Bangsamoro region.
"Kahit anong mangyari, hindi kami sasama (peacetalks) maliban na lang kung ang pag-usapan ay Islamic state o separate na Islamic state," pahayag ni Mama sa radyo.
Anila, kahit tuluyang maging batas ang Bangsamoro Basic Law at mabuo ang Bangsamoro region ay mananatili ang kanilang grupo.
Dagdag niya na hindi usaping pangkapayapaan ang solusyon sa gusot sa Mindanao.
Samantala, pinabulaanan naman ng BIFF na sa kanila nagmula ang kumakalat na brutal na video ng pagpatay sa ilang miyembro ng Special Action Force.
"'Yung sa amin ay wala namang video kasi hindi ka magka-video doon," wika ni Mama.
"Wala po, wala pong video na sa amin galing."
Itinanggi rin ng kanilang grupo na sila ang nangangalaga sa Malaysian terrorist at bomb expert na si Marwan na napatay ng mga miyembro ng SAF at Basit Usman.
"Wala kaming kilalang Marwan at Basit Usman na dito na nakatira," sabi ni Mama.
"Magkakapatid ang mga Muslim pero sa Bangsamoro Islamic Freedom Movement ay wala sila Basit Usman at Marwan."
Nauna nang itinaggi ng MILF na nasa lugar nila si Marwan.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng gobyerno sa madugong engkwentro ng SAF, MILF at BIFF.
- Latest