MANILA, Philippines – Nilinis kahapon ng negosyanteng si Roberto Ongpin si Vice President Jejomar Binay sa bintang na nakatanggap umano ito ng kickbacks sa pinasok na kontrata ng Boy Scout of the Philippines (BSP) sa Alphaland Corporation.
Humarap kahapon sa Senate Blue Ribbon sub-committee si Ongpin, may-ari ng Alphaland, kaugnay sa alegasyon na maanomalya ang kontratang pinasok ng BSP at Alphaland Corp. sa pag-develop ng isang ektaryang prime property sa Makati City.
Nauna rito inakusahan ni dating Makati Vice Mayor Ernest Mercado si Binay na matagal ng presidente ng BSP na kumita ng nasa P200 milyon sa kontrata.
Pero sa testimonya ni Ongpin, pinabulaanan nito na nagkaroon ng limang porsiyentong share si Binay sa proyekto ng BSP at Alphaland.
Ipinaliwanag ni Ongpin na ang limang porsiyentong sinasabi ni Mercado ay ang ‘carried interest’ na ibinigay niya kay Atty. Mario “Babes” Oreta na tumatayong presidente ng Alphaland at hindi para kay Binay.
Paliwanag ni Ongpin na mahalagang malinaw ang nasabing 5 porsiyento dahil inakala umano ni Mercado na napunta ito kay Binay.